Our Vision – Tagalog
Ang Pilipinas ay isang demokratikong bansa. Binigyan tayo ng karapatan at kapangyarihang makiisa sa pagbuo ng mga desisyon na makapagpapaunlad sa ating bansa. Ngunit tila bakit nabibigyan lamang ito ng pansin tuwing sasapit ang Eleksyon. Ito ang natatanging panahon, kung saan tayo ay pinakikinggan at pinahahalagahan. Sa panahon ding ito makikita kung paano bumababa ang mga nanunungkulan upang makuha ang ating mga tiwala at boto. Idinadaan nila tayo sa matatamis na salita at mga pangakong lagi namang napapako. At pagkatapos ng eleksyon, muli tayong babalik sa kaniya – kaniya nating pamumuhay habang pinapanood silang mga nahalal na opisyal na malayang ginagawa ang kahit anong nais nilang gawin. Siguro nga’y nailalabas natin ang ating mga saloobin sa ilang “social media platforms” ngunit bakit parang ingay lamang ito sa kanila na hindi kailangang bigyang pansin. Tila nagbibingi – bingihan sa boses ng mga simpleng mamamayan porket sila ang may kapangyarihan. Demokratikong lipunan kung tawagin, ngunit hindi pinakikinggan ang mga ideya natin.
Ang meron tayo ngayon ay ang “Open-loop democratic system”, sistemang walang lugar sa pagtanggap ng mga ideya mula sa mga simpleng mamamayan ng bansa. At ang sistemang walang wastong pagpuna at pagtanggap sa mga “constructive criticism” ay hindi magiging matatag at matagumpay. Nabigyan ka na ba ng pagkakataon na sabihin ang iyong mga ideya sa mga taong nahalal sa gobyerno upang mapabuti ang kanilang pamumuno? Tiyak kaming marami sa atin ay may mga makabuluhang ideya na maaaring makatulong sa ating pamahalaan sa lalong pagpapaunlad ng ating bansa.
Ang aming layunin ay makalikha ng ligtas na platform upang maipahayag at maibahagi ang inyong mga ideya upang mapaunlad ang pamamalakad sa ating gobyerno. Pinangalanan namin ang aming website na ideyaPH, na direktang salin mula sa salitang ingles na “idea” upang maipahayag ang ating pagiging makabayan at maiparating ang aming malinis na intensyon sa pagbuo ng website na ito.
Sa pamamagitan ng “online platform” na ito, mabibigyan ng pagkakataong maipahayag ng bawat Pilipino ang kanilang sariling IDEYA, paunlarin ang IDEYA ng iba, at bumoto sa IDEYANG sa tingin nila ay makakagawa ng malaking impact para sa kaunlaran ng pamumuno ng mga nahalal sa ating pamahalaan. Ang ideyaPH ay isang ligtas na lugar para sa ating mga Pilipino na ma – practice ang ating freedom of speech tungkol sa pamamalakad ng ating gobyerno, mga programa ng ating pamahalaan, mga batas at polisiya, at iba pang mga napapanahong isyu na kinakaharap ng ating bansa. Panahon na upang tayo ay mapakinggan at makakita ng tunay na pagbabago!
Disclaimer:
Ang IdeyaPH ay walang sinusuportahan o kinikilingang sangay at opisyal ng gobyerno. Ang lahat ng ideyang inyong ibabahagi ay dadaan muna sa aming screening bago tuluyang mai – post. Lahat ng mga na – approve na ideya ay aming isusumite sa karampatang ahensya ng gobyerno. Bilang karagdagan, ang inyong mga ideya ay maipo-post din sa aming iba pang social media pages.
IDEYA MO, i-FLEX MO! Simula ka ng TOTOONG pagbabago!